Sa Pangamba ng Pag-iisa
ni Nestor De Guzman


Paano sasagutin
ang pangamba ng iba
sa aking pag-iisa?
Kung malalaman lang
ang di-lantad kong buhay.
Nakalima nang asawa;
ngayo’y limang ulit nang separada.
Di kabilang ang nakasintahan
nang kung ilang oras, araw, linggo.
Sinamba na’t kinahumalingan;
itinuring na ring basahan,
laruan, kasangkapan.
Naging maybahay, kalaguyo’t puta.
Ilan nang giliw at muhi,
luwalhati’t lumbay
ang isinilang at inaruga.
Kung nag-iisa man ngayon
ay dahil alam na,
at tanggap,
ang uubra’t di-uubra.
At di na kailangan ng isa
para maramdaman
ang kagandahan ng sarili,
ang kabuuan ng pagkatao,
ang kabuluhan ng buhay.
Kung malalaman lang
kung gaano kakulay
sa dilim at kasukalang nilandas
sa pag-unawa ng pag-iisa.
Ang mahalaga,
natutong magmahal,
nagmamahal ako
at magmamahal.
Ito ang katuturan,
kahit nag-iisa.

From Galing Cine Café (Lambana Press, 2005)