Sus Ginuo! Ang Pagtuklas sa Lihim ni Nestor De Guzman na Di Naman Talaga Lihim sa Lahat by NOEL DE LEON

Ang unang koleksyon ng mga tula ni Nestor De Guzman na may pamagat Galing Cine Café ay muling pagharap sa sarili, sa kung sino tayo o pagbabalik sa kung ano ang mga nakaraang damdamin at suliranin natin bilang bading. Ito ay pagpapatuloy ng pagtulay sa hinog na gay literature ng Filipinas. O Maaaring pagdugtong ng hininga sa ordinaryong mukha at buhay ng bading bilang bading sa sarili nito at lipunan.

Una kong nabasa ang librong Galing Cine Café sa Iloilo nang bumisita ako sa isang bahay ng kaibigan. Natapos ko ang libro sa isang upuan lamang. Kinilig ako. Kahapon habang umuulan at makikipagkita sana kina Joseph at Jason, mga kaibigan sa Metropolitan Community Churches sa Quezon City ay naisipan kong puntahan ang UP Press, titingnan ko kung mayroong bagong libro, gusto ko sana bilhin ang libro ni Joi Barrios.

Habang naghihintay ng text mula kina Joseph at Jason ay sa UP Press ako tumambay. Sa totoo lang ayokong pumupunta ng UP Press kung wala naman akong bibilhing libro. Naaawa ako sa sarili ko kung lalabas ako ng UP Press na walang bagong ipapakain sa aking kaluluwa.

Nang lumipas ang 30 minutos sa paghihintay mayroon na akong hinahawakang tatlong maykakapalang mga libro. Pinag-iisipan kung bibilhin ba ito o babasahin lamang habang naghihintay sa dalawang kaibigan. Lumipas ang isang oras, halos naikot ko na ata ang buong UP Press, hinalungkat ang lahat ng libro at ininggit ang sarili ko sa mga librong gustong-gusto kong bilhin at basahin.

Maya-maya ay nakatanggap ako ng tawag. Mula kay Jason, hindi raw ito makakapunta dahil sa may kailangang tapusing meeting tungkol sa pinaplano nitong business. Wala akong magawa. Hindi ko na rin kinulit si Joseph na puntahan ako sa UP. Kung ayaw nila, e, di ako na lamang mag-isang mamamasyal ngayon.

Maya-maya ay wala nga akong nagawa. Tinungo ko ang cashier upang bayaran ang tatlong librong naibigan kong basahin. At isa nga rito ang libro ni Nestor De Guzman na Galing Cine Café.

Ang Galing Cine Café ay kalipunan ng mga Confessional poems ni De Guzman. Patungkol sa buhay bading at sa mga bagay na pinagdaanan niya. Isang makulay na paglalakbay ang pagbasang ito kay De Guzman. Nagandahan ako sa koleksyong ito hindi dahil lamang sa malinis at simple ang pagkakagawa sa lahat ng tula rito, ngunit dahil isang paghanga ang nabuo sa isip ko at puso na si De Guzman ay isang matapang na tao. Nagtaya siya at sumugal sa usaping iilan lamang ang kayang umintindi.

Kahanga-hanga ang lakas ng loob ni De Guzman. Kung gusto mo siyang makilala, narito ang aklat hinihintay ka niyang hugutin siya sa bookshelf ng UP Press. Basahin natin ang ilang pahina ng buhay natin, tikmang muli ang kirot at kilig. Pag-usapan natin si De Guzman lalo na ang ating sarili, dahil wala naman talagang masama sa pagtuklas ng lihim na hindi naman talaga lihim.

Ang buhay natin bilang mga bading ay iglap at bilis. Ngunit hindi ito nangangahulugang walang saysay ang mga pag-iibigang binubuo natin. Ang iglap at bilis na sinasabi ko ay isang tagpo sa mga pag-iibigang tulad ng sa mga babae at lalaki. Dumaraan tayo sa unos ng buhay, sa pagsubok ng mundo. Ngunit kung wagas ang binuong pag-ibig ang apoy ay hindi mamamatay. Dahil ang pag-ibig ay parang anghel, naririyan lamang, kayang maghintay at magtiis. Tulad ng sa tulang Bilis ni De Guzman:


Agad siyang nag-ayang maupo
Paglapit sa kinatatayuan ko sa likuran.
Kauupo lang
Nang maramdaman ang hagod
Ng kamay niyang nakapasok
Sa nabuksan kong zipper.
Napalingon ako: sino ito?
Agad sana siyang iniwan
Kung di lang nais magpatianod,
Panoorin ang sarili sa agos ng pangyayari.
At bago makahakbang
Itinaas niya ang zipper
At nag-aya sa kanyang bahay.
Sumama ako---
Sa daan lang napansing
Manipis na ang kanyang buhok.
Nasuyo akong pumisan
Matapos ang ilang araw.
Dumaan din sa mga dudahan,
Murahan at, minsan, suntukan
Pero ngayon isang taon na kami.


From No Time for Play blog by Noel De Leon