Review: Galing Cine Cafe

Malalim na pagkatao ng sangkabadingan
ni Cathy C. Yamsuan


Sabagay, noon pa naman natin alam na hindi lahat ng bading ay balahura tulad ng pinakikita sa maraming TV shows at pelikula.


Patunay sa mas malalim na pagkatao at damdamin ng mga bakla ang dating sa akin ng mga tula ni Nestor De Guzman. Hango ang pamagat ng libro sa isang tambayan ng mga bading sa Quezon City.


Sa maraming pagkakataon, para lang siyang nagkukuwento tungkol sa mga karanasan at saloobin ng isang bading.


Ang kaibhan, magaling siyang maghabi ng tula mula sa mga kasawian, tarayan at pangamba ng ibang maaaring pagmulan ng kuwento.


Kung tutuusin, seryoso ang mga tema niyang sumasakop sa karanasan ng mga bakla—ang walang katapusang paghahanap, ang walang hanggang pakiramdaman, ang pagiging mag-isa kahit maraming tao.

Narinig ko na sa ibang bading ang marami sa mga kuwentong nakapaloob sa mga tula rito, pero nabibigyan ni De Guzman ng kakaibang boses.


Suwabe ang daloy ng mga salita, hindi madilim. Kahit seryoso, nahahaluan niya ng gay lingo na aangat sa mood ng mambabasa sa dulo ng kuwento (Sa Villa, naghihintay/ang lima pang kabataang Arabo./Lahat mapupusok,/winasak ang crown ko.)

Wala akong naririnig na hikbi at madalas may suntok sa dulo (Matatanggap ko siya uli/pero iba na ang usapan:/kailangan payag na siyang/mag-sing and dance.)


Binabanggit din nang partikular ang marami sa mga karanasan ng mga bading—ang harassment ng pulis at media, ang matatalas at mapanghusgang titig, ang pagkailang, ang selosan pati pag-eestima ng kapwa bakla (Kagagaling sa Notary, sinupladahan ang ganda/nang makipagmagandahan/sa mga ’di-kagandahan.)


Advantage ng isang kaibigang bading sa kaibigang lalaki, kaya nilang isalita ang saloobing babae.


Pasintabi kay De Guzman pero sinubukan kong imadyinin na babae ang nagsasalita sa ilang tula. Swak pa rin.


Inquirer Libre, September 8, 2005